Kasaysayan ng Pamilya Reynoso
Home | Reynoso Family Vacation in Sariaya 2005 | Pasasalamat | Ang Matandang Bahay | Ang Pamilya ng Fausto at Feliciana | Beata | Demetreo | Felisa | Sotero | Maximo | Zozimo | Conchita | Ang Palasan
Ang Pamilya ng Fausto at Feliciana

pamilyareynoso.jpg

        

 

 

 

PAMILYA  REYNOSO

 

 

            Lubhang mapalad ang ating pamilya sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nawawala ng ating taunang family reunion. Higit sa lahat, natutukoy pa natin ang pinagmulan ng ating lahi.

            Nagsimula ang lahi ng Reynoso sa mag-asawang ABAD GAGASA( +) at  ALEJANDRA  DE LUNA(+). Nagkaroon sila ng tatlong anak: Romana (+) ( panganay), Ceferina  (+)( walang anak), at Praxedes (+) (pinagmulan ng lahi nina Tita Puping Cadiz).  Napangasawa ng anak na panganay na si Romana  (+)si Teodoro Alcala (+) na nagkaroon ng dalawang supling: Feliciana  (+) at Rosa (+)  ( pinagmulan ng lahi nina Tito Dodo Rondolo). Ang panganay na anak na si Feliciana  (+)( Inanang Cianang), ay napangasawa si Fausto Reynoso  (+)( amamang Oto).

        Ang Feliciana (Inanang Cianang) at ang Fausto Reynoso ( Amamang Oto) ay nagkaroon ng pitong supling: Beata,(Tia Beata),  Demetreo ( Tiyo Deme), Felisa ( Tiya Isay), Sotero (Tiyo Teroy), Maximo ( Tiyo Momo), Zozimo ( Tiyo Zoning), Conchita ( Tiya Coz).

 

 

      Ang pamilya ang siyang pinakamaliit na yunit ng ating lipunan. Dito nagsisimula ang kaugalian, kultura, at pagpapahalaga ng isang tao. Matibay ang pagkakabuklod-buklod ng pamilyang Pilipino. Labis ang pagpapahalaga natin sa pagsama-sama ng buong pamilya. Kahit may bago ng pamilya ang isang anak, pilit pa rin ng magulang na patirahin sa kanilang tahanan ito gaano man kaliit ang bahay nila. Hanggat maaari ay ayaw ng mga magulang na malayo ang kanilang mga anak sa kanilang piling.

              Katunayan ganito ang nagyari sa ilang mga anak ng Inanang Cianang. Nang magsipag-asawa ang kanilang mga anak, sila ay nanirahan sa matandang bahay sa Muntingbayan sa Sariaya, kasalukuyang bahay nina Lola Isay. Doon silang sama-sama na isang malaking pamilya. Sa itaas ng bahay nakatira ang mag-anak nina Lola Isay kasama si Lola Coz, mag-anak nina Lola Estrella at Lolo Deme. Sa bandang ibaba naman ng bahay doon tumitira ang mag-anak nina Lolo Teroy at Tito Maning. Si Lolo Momo naman ay nakatira sa tapat na bahay ng mga Religioso. Dahil sa ganoong sitwasyon, lumaki ang kanilang mga anak na malapit ang loob sa isat-isa. Sama- sama ang mag-pipinsan sa ibat-ibang lakaran,kasayahan at paglalaro. Marami sa kanila ay kasapi ng ibat ibang samahan sa bayan ng Sariaya tulad ng El Bobo na aktibong dumadalo sa mga sayawan na ginaganap tuwing piyesta ng bayan sa parke. Magaganda ang kanilang mga kasuotan dahil lahat sila ay naka-amerikana at naka- kurbata. Ito ang nagpapatunay na ang sayawan noon ay pormal at kagalang-galang.

 

                 Nang mag-aral ang ilang mga anak nina Amamang Oto at Inanang Cianang, sila ay nangasera  sa Maynila. Ang unang nagkaroon ng bahay sa Quezon City ay si Lolo Deme dahil siya ay empleyado ng Philippine National Bank na pag-aari ng gobyerno. Noong una kapag ikaw ay empleyado ng gobyerno ay maaari kang bumili ng lupa at bahay sa Roxas District na sadyang inilaan ng dating Pangulong Quezon at Roxas para sa mga empleado ng gobyerno. Iyang bahay na yan ang kasalukuyang bahay nina Tita Offie sa kalye Hyacinth, Roxas District Quezon City. Mula noon, ang mga kamag-anak na pumupunta sa Maynila ay doon tumuloy. Kapag bakasyon, inaanyayahan ni Lolo Deme ang ilang mga pamangkin na pumunta ng Maynila para naman sila ay makapamasyal doon.

 

                Nang napangasawa naman ni Lola Coz si Lolo Jose, sila ay nagkaroon ng bahay sa Katuray,Roxas District Quezon City dahil si  Lolo Jose ay empleado  ng GSIS at doon nakabili ng lupa at bahay. Mula noon ang ibang mga pamangkin ni Lola Coz at Lolo Jose na nag-aral ng kolehiyo sa Maynila ay doon tumira. Ito ding bahay ni Lola Coz  sa Katuray ang naging malimit na lugar na kung saan malimit magtipon ang mga magpipinsan  tulad ng family reunion o kaya naman kapag may dumating na kamag-anak galing Amerika doon kalimitang tumuloy bago umuwi sa Sariaya.

 

                 Nagsama-sama din sila sa paglalaro ng basketbol na ang pangalan ng kanilang koponan ay YOMBA ( Youth of Muntingbayan Basketball Association). Dito nakilala ang husay sa paglalaro ng basketbol ng magkapatid na Cedy at Romeo Gutierrez. Ang tagumpay ng YOMBA ay nasa mahusay na tagapagturo na si Jose Cadiz  (Lolo Osyo) bilang coach ng koponan. Dahil sa laro din ng YOMBA, dito si Tito Cardito nakilala bilang Tuba, dahil ang inuming dapat sa mga manlalaro ay siya ang malimit na umuubos. Habang nasa kasikatan ng paglalaro ang mga YOMBA, marami ang hindi nakakaalam ng kanilang nakatutuwang sikreto. Marami sa kanila ang hindi pa binyagan bilang lalaki. Kaya ng minsang mabisto agad silang humingi ng tulong kay Lolo Aguedo na asawa ni Lola Isay. Si lolo Aguedo ay isang nars sa chest clinic sa Lucena. Kaya isang araw sabay-sabay silang bininyagan at naging ganap na binata.

 

             Kapag sumasapit na ang gabi, ang mga magpipinsan ay nagtitipon-tipon na sa hagdanang bato sa gawing kanluranan ng bahay upang magkwentuhan ng mga ibat-ibang bagay at habang nasa kainitan ng kwentuhan, si Lola Isay ay nagluluto ng mga kakanin upang habang sumasarap ang kwentuhan, nabubusog

 

 din  ang tiyan. Naaala-ala nila ang palitaw, pinaltok, matamis na kendi, tamalis at marami pang ibang kakaning pilipino espesyal na ginagawa ni Lola Isay.

 

 

     Malapit din sa Diyos ang ating angkan. Maliliit pa sila ay malimit na silang sumisimba sa Sta. Clara. Ang iba sa kanila ay naging sakristan pa doon  na noong panahong yun ang pari ay si Fr. Montero, isang Fransicano. Dahil dito isang kamag-anak natin ang nagpasok sa pagmamadre, Si Sor Adoracion ( Tita Dacion) anak nina Lolo Teroy at Lola Irene.

 

 

             Lubhang sagana pa ang buhay noon. Sagana ang ating angkan sa palay dahil malawak ang ating tubigan at niyugan sa Palasan. Kapag nakapag-ani na ng palay dinadala ng mga tauhan sa bayan ang mga palay sakay ng 7 kariton  at inilalagay sa kamalig na nasa likuran ng bahay. Dumadaan ang mga kariton salikuran ng bahay na ngayon ay lugar ng bahay nina Lola Estrella. Kung sino ang nangangailangan ng palay  ay maaaring kumuha doon. Ang mga pinagbilhan naman ng niyog o pinagkawitan ang siyang ginagastos sa ibang bagay tulad ng pagkain.

            Dumaan din ang panahon na sagana tayo sa mga mangga. Matapos makapanang-halian, ang inanang Cianang ay magpapabunot na na uban at pagkatapos magpabunot ng uban ay bibigyan ng maraming mangga ang sinumang tumulong magbunot ng uban.

 

            Ang isang hindi malilimot ng Reynoso ay ng malaking tulong ni Sabas. Noong panahon ng tag-hapon ( Japanese time), siya ang maydala ng ating santo na Sacred Heart ( ito ang santo na pag-aari ng Romana) sa pagtatago sa mga Hapones. Siya din ang naging kutsero  ni Lolo Deme noong siya ay may bayuhan. Minsan nagkakabiruan ang mga magpipinsan. Ang naging tawagan nila ay boy. Kapag inuutusan itong si Sabas at sinabi mong Boy kunin mo nga yung sako, sasabihin sa iyo Hindi ako Boy. Sagot naman nila ano ka Girl?. Si Sabas ay hindi marunong bumasa o sumulat subalit maaari mong utusan mula Roxas hanggang FEU o iba pang paaralan sa Maynila. Ang mapapansin mo lang sa kanya ay meron siyang tali sa magkabilang pantalon. Bago umalis ng bahay wala pang buhol kapag dumating na sa pupuntahan marami ng buhol ang mga tali niya. Kung tatanungin mo kung bakit maraming buhol ang sagot niya, bawat kanto na nililikuan niya isang buhol, kaya pagbalik niya wala ng buhol. Nang mawala si Sabas, si Kinoy na ang humalili na naging tauhan ni Lolo Teroy..

 

 

Si Kinoy ang laging may sakbit sa katawan na gulok. Malaki ang naitulong niya sa mag-anak nina Lolo Teroy.

                   

 

             Isang tatak ng pagiging Reynoso bukod sa mahilig sa kwentuhan at kainan ay ang mahilig maglaro ng mahjong. Tuwing uuwi at nagkakasama-sama sila sa Sariaya ay hindi malilimutan ang larong ito. Inaabot ng umaga kung sila ay maglaro. Sa larong ito kilala si Lolo Jose Cadiz (Lolo Joe). Ang laging maririnig mo sa kanya kapag nagkita kayo Game na!. .

 

              Sa Maynila, malimit na nagkakatipon-tipon ay sa Katuray kina Lola Coz. Kapag nagkameron ng kaunting katuwaan tulad ng birthday sama-sama agad ang magpi-pinsan kasi halos magkakalapit lang ang tirahan ng bawat isa. Tulad ni Lola Isay, si Lola Coz ay mahilig din na magluto ng kakanin kaya masaya na naman ang kwentuhan. Kung kakain naman sa mga kainan, hindi malilimutan ang Ma Mon Luk dahil sa masarap na siopao at mami na minsan ay napaghinalaang pusa ang karneyakiii!

 

             Maraming mga pamilya ang nakakapansin sa ganda at saya ng samahan ng Reynoso. Kaya naman ang magagandang kaugaliang ipinamulat sa atin ng ating mga ninuno ay nasa atin pa ring mga puso at isipan hanggang sa kasalukuyan.