Isa siya sa nakapag-aral sa La Consolacion, isang pribadong paaralan sa Maynila, noong siya ay nasa mababang paaralan
kasama si Inanang Mameng, (ina ni Tito Dodo).
Ang unang naging kasintahan niya ay si Benito Alcaneses. Hindi sila nagkatuluyan dahil mahigpit ang pagtutol ng Inanang
Cianang dahil ang ibig niya si lola ay maging matandang dalaga. Lumipas ang mga
taon at ang naging kasintahan naman niya ay si Benigno Religioso na muntik ng magkatuluyan subalit hindi nagkasundo ang kanilang
mga pamilya. Hanggang ipinakilala ni Irene Alcaneses, ( ina ni Tita Puping), si Aguedo de Guzman na siya niyang naging kapalaran
at nakaisang-dibdib at nagkaroon ng apat na anak: Nemesio, Manolo, Florecita, at Teresita.
Mahilig at mahusay siyang magluto ng mga
ibat-ibang kakanin tulad ng tamales, espasol, atsara at marami pang iba. Katunayan, marami siyang gamit sa pagluluto tulad
ng tatso na gamit sa paggawa ng matamis at gilingang bato na ginagamit sa paggqawa ng tamales. Kapag may handaan, isang araw
bago ang handaan ay abala na siya sa paghahanda ng mga kakanin na kung minsan ay inaabot pa ng hatinggabi.
Masipag at malinis siya sa bahay. Malimit niyang ginagamitan ng upli ang mga pasamano ng bintana, sahig, at
mga hagdanan para lamang pumuti ang mga ito. Maingat din siya sa mga gamit kaya magpahanggang sa kasalukuyan ay makikita pa
ang kanyang mga kagamitan.