Panimula
Sa loob ng maraming taon, sa
mga kuwento lamang natin nalalaman ang pinagmulan ng ating lahi. Kalimitan, alam natin na kamag-anak natin ang isang tao o
pamilya subalit hindi natin nalalaman kung paano natin sila naging kamag-anak. Tinatanong natin ang mga nakatatanda sa atin
upang maliwanagan ang lahat. Dumadalo tayo ng ibat-ibang pagtitipon tulad ng mga family reunions upang makilala kung
sinu-sino ang ating mga kamag-anak. Kadalasan ang ilan sa mga nakatatanda sa atin ay nalimutan na ang ibang kuwento o paliwanag
o kaya naman gumagawa na lang ng istorya para lang masagot ang ilang mga katanungang nais bigyan ng kasagutan o kapaliwanagan.
Noon, madaling makilala kung sinu-sino ang ating mga kamag-anak. Kakaunti
pa ang bilang ng mga kasapi ng pamilya. Kalimitan, ang isang kabahayan ay binubuo ng maraming pamilya. Kapag nag-asawa ang
isang anak, di pinalilipat ng tirahan, binibigyan lang ng isang silid upang doon sila manirahan. Kapag medyo dumarami na,
hinahati-hati na ang kabahayan para lang huwag magkahiwa-hiwalay ang pamilya. Kung lumalaki na ang bilang ng pamilya, lilipat
lang sila sa malapit sa pinagmulang-bahay. Sa ganitong sitwasyon, nagkakalapit at malimit magdamayan ang mga magkakamag-anak.
Nang may kamag-anak ng nakapanirahan sa Maynila, hindi nila
kinalilimutan ang pagkakabuklod-buklod ng pamilya. Kapag may mga handaan tulad ng kaarawan, piyesta, pasko at mahahalagang
okasyon, sila ay umuuwi sa Sariaya upang dumalo at makiisa sa mga kasayahang nabanggit.
Nang may nagkapalad na pumunta sa Amerika, ang paghahatid sa airport
ay napakarami, halos lahat ng angkan ay kasama. Ang mga taga- Sariaya ay humihiram ng jeep para lang maghatid ng kanilang
mga kamag-anak patungong ibayong-dagat. Ganoon din ang sitwasyon kapag dumarating ang isang kamag-anak galing Amerika.
Nagpapatunay lamang ito na ang ating pamilya ay mahigpit ang pagkakabuklod-buklod at pagmamahalan sa isat-isa. Kaya nararapat lamang na kilalanin
natin, pahalagahan, at ipagmalaki ang bawat kasapi ng ating angkang Reynoso.
Malaki ang maitutulong ng proyektong ito upang patuloy
nating makilala, malaman at pahalagahan ang pinagmulan ng lahing Reynoso lalot higit sa mga susunod pang henerasyon.